IBP magbibigay ng legal aid para sa halalan; Task Force Kontra Bigay inilunsad ng Comelec
Magkakaloob ng libreng legal aid ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa mga opisyal ng Comelec at mga botante para sa halalan, sa lahat ng kanilang chapters sa buong bansa.
Sa pahayag ng IBP nakasaad na nitong Huwebes ay lumagda sila ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Comelec at ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE), upang magtulungan sa pagprotekta sa kasagraduhan ng balota at pagpapanatili sa rule of law sa eleksiyon.
Ayon sa IBP . . . “Under the MOA, IBP, Comelec and Lente will work together to educate the public on the most committed offenses, monitor election irregularities and election offenses, and provide legal assistance to the electoral board members and voters encountering problems of reporting election offenses. For its part, the [IBP] will extend free legal assistance to the Comelec and its officers and Board of Election Inspectors, Board of Canvassers, and the voters during the pre-election, election and post-election days through all election desks in all chapters.”
Samantala sa pamamagitan ng kanilang volunteer at local law school chapters, ay makikipagtulungan ang LENTE sa IBP sa panahon ng halalan. Makikipag-ugnayan din sila at kokonsulta sa Comelec at IBP para sa pambansang kampanya upang magkaroon ng kaalaman ang mga botante at maging sa pagpapakalat ng mga impormasyong may kaugnayan sa eleksiyon.
Inilunsad din ng Comelec ang kanilang Facebook page Task Force Kontra Bigay ngayong araw, kung saan maaaring i-report ang mga insidente ng vote-buying. Maaari ring mag-report sa pamamagitan ng pag-email sa [email protected].
Sinabi ni Elections Commissioner Aimee Ferolino, na siyang pinuno ng task force, na puwede ring mag-report sa local election officer, Philippine National Police o sa legal assistance desk ng IBP.
Ang Pilipinas ay mayroong higit sa 60 milyong rehistradong mga botante na inaasahang boboto sa Lunes, May 9 para sa 2022 national at local elections. Una nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang May 9, bilang isang non-working holiday.