Dating tauhan ng Pharmally Pharmaceutical isiniwalat ang tangkang panunuhol at pananakot umano sa kaniya ng opisina ni Sen. Risa Hontiveros
Isang dating warehouse staff ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation ang lumutang para magbigay ng sinumpaang salaysay upang isiwalat ang tangkang panunuhol at pagbabanta umano sa kaniya ng tanggapan ni Senadora Risa Hontiveros.
Ayon kay Mark Clarence Manalo, hanggang ngayon patuloy pa rin umano siyang nakatatanggap ng pananakot.
Ilang beses na umanong may mga umaaligid na sasakyan sa kanilang bahay na ang hinahanap ay siya at kaniyang kapatid.
Ang kapatid niya na si Veejay ay matatandaang humarap sa pagdinig ng Senado noon bilang testigo ni Hontiveros kaugnay sa anomalya sa pagbili ng Pandemic materials mula sa Pharmally.
Pero kalaunan, binawi rin ni Veejay ang pahayag at iginiit na nasuhulan lamang umano siya.
Ayon kay Manalo, bagamat noong nakaraang taon pa natapos ang pagdinig ng Senado sa isyu ng Pharmally ay natatakot pa rin siya para sa kanyang kaligtasan at ng kaniyang kapatid lalo pa at nakabinbin pa sa Ombudsman ang mga isinampa nitong reklamo laban kay Hontiveros at iba pa.
Makailang beses na rin umano syang nakatanggap ng alok na salapi para lang iurong ang kanilang reklamo.
Madz Moratillo