Comelec tiniyak na magpapatuloy ang botohan sa kabila ng problema sa VCM sa ilang lugar
Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec), na magpapatuloy ang botohan kahit na ang ilang lugar ay nagkaroon ng problema sa kanilang vote-counting machines (VCM).
Sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, na “all systems go” na para sa 2022 national elections kasabay ng pagtiyak na lahat ng rehistradong mga botante na magtutungo sa polling precints ay makaboboto.
Halimbawa dito ay ang iniulat ni Laudiangco na nag-hung ang isang VCM sa Cotabato City kahit na sumailalim naman iyon sa final testing at sealing. Ang sitwasyon aniya ay inimbestigahan at inasikaso na ng technical team ng Comelec.
Hindi nga lamang aniya mararanasan ng mga unang botante ang pag-feed ng balota at pagtanggap ng voter receipt, pero tiniyak ni Laudiangco na tuloy-tuloy ang botohan.
Aniya, kagabi, May 8, isang bayan sa Oriental Mindoro at isa pa sa Northern Samar ang hindi nakatapos ng final testing at sealing ng kanilang VCM dahil sa kakulangan ng test ballots. Gayunman, pinayagan ang mga guro na gumamit ng tatlong official ballots para maipagpatuloy ang final test.
Bukod dito, hinihintay pa ng Comelec ang reports mula sa 47 clustered precints sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kanilang final testing at sealing.
Nang tanungin sa dahilan ng delay ng VCM final testing at sealing sa BARMM, sinabi ni Laudiangco na tumanggi ang ilang miyembro ng electoral board na magsilbi dahil sa kalituhan at pangamba sa kanilang kaligtasan.
Nguni’t sa lahat aniya ng mga sitwasyon ay may contingency ang Comelec. Sinanay aniya nila ang sapat na bilang ng mga tauhan ng Philippine National Police, para magsilbi bilang electoral boards sa siyudad ng Cotabato.