Adbokasiya laban sa korapsyon at iligal na droga, ipagpapatuloy ni PRRD pagkatapos ng kaniyang termino
Isusulong pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaban sa korapsiyon sa pamahalaan at iligal na droga kahit isa na siyang private citizen.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na nabanggit mismo ng Pangulo na hindi siya titigil sa paglaban sa katiwalian sa gobyerno at pagpuksa sa salot na iligal na droga pagkatapos ng kanyang termino sa June 30 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Andanar pinaghahandaan na ng Pangulo ang kanyang paglisan sa Malakanyang.
Inihayag ni Andanar, plano ng Pangulo na umuwi na lamang sa kanyang bahay sa Davao City matapos niyang maisalin ang poder ng pamahalaan sa bagong Presidente ng bansa.
Niliwanag ni Andanar nagsimula na ang transition process para maayos na maisalin ang gobyerno sa papasok na bagong administrasyon matapos buuin ng Pangulo ang Presidential Transition Committee na pinamumunuan ni Exeutive Secretary Salvador Medialdea.
Vic Somintac