Hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group arestado ng BI
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Omar Bin Harun, 52 anyos, na inaresto pagdating sa bansa mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagprisinta umano ito ng isang Malaysian passport gamit ang pekeng identity.
Batay sa nakalap na impormasyon ng BI, si Omar ay isang Filipino national na miyembro umano ng ASG.
Ilan sa kinasangkutan umano nito ay ang 2001 Lamitan Siege.
Ayon naman kay BI-NAIA Anti-Terrorist Group Chief Bienvenido Castillo III, nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa pagdating ni Omar sa bansa kaya agad silang nakipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies.
Sinasabing may link rin umano si Omar sa terrorist group na ISIS.
Matapos maaresto, agad namang itinurn over ng BI si Omar sa Philippine National Police.
Madelyn Villar – Moratillo