Selyo ng ‘Slice of Life’ ni Larry Alcala, inilunsad ng PH Post Office
Kaugnay ng pagdiriwang sa National Heritage Month (NHM), ay magpapalabas ang Philippine Postal Corporation (Post Office) ng isang commemorative stamp, na nagpaparangal sa cartoonist at National Artist for Visual Arts na si Larry Alcala, tampok ang kaniyang sikat na “Slice of Life” cartoon series.
Noong 1988, ang “Slice of Life” cartoon series ay tumanggap ng Best in Humor Award, at pinuri dahil nakatulong ito para manatiling buhay ang kakayahan ng mga Pinoy na tumawa sa gitna ng nararanasang kahirapan, sa pamamagitan ng kombinasyon ng sining at katatawanan.
Sinabi ni Postmaster General Norman Fulgencio, na ang mga Pinoy ay tinulungan ni Ginoong Alcala na mas mapansin at maintindihan ang mahahalagang aspeto ng buhay Pinoy.
Ayon kay Fulgencio . . . “Ang kanyang mga comic strip ay nagbigay sa atin ng isang sulyap sa buhay ng mga Filipino sa pinaka-matalino at makabuluhang paraan. Nakilala ang kanyang komiks dahil nakatago sa kaniyang mga ilustrasyon ang kaniyang mukha at ipinahahanap niya iyon sa mga mambabasa.”
Ang sining ni Alcala ay naglalaman ng kultura, tradisyon, pamana at seryosong isyu sa lipunan na nilikha sa paraang kaakit-akit at makaka-relate ka.
Ang “Slice of Life” ay maituturing bilang pinakasikat na serye ng cartoon ni Alcala, at bukas-palad din niyang ibinahagi ang marami pa niyang mga likha sa mga Filipino.
Ang kaniyang 1947 “Kalabog En Bosyo,” ang pinakamatagal na seryeng tumakbo mula sa sinumang Filipino cartoonist, ay dalawang ulit na ginawang pelikula at pinagbidahan ng walang iba kundi ng sikat na komedyanteng Pinoy na sina Dolphy at Panchito.
Sinabi pa ni Fulgencio, na ang classic comic strip ni Alcala na “Gorio and His Jeepney,” “Aksyong Aksaya,” Siopaw-man” at modern classic na “Kikomachine,” at iba pa ay hindi malilimutan ng marami.
Noong December 2003, ikinarangal din ng Post Office ang paglalabas ng mga selyo tampok ang “Kalabog En Bosyo” ni Alcala.
Ang lunching ceremony ng “Slice of Life” commemorative stamp ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa National Commission for Culture and Arts (NCCA) at Filipino Heritage Festival Inc. (FHFI).
Ang in-house stamp designers ng Post Office na sina Ryman Alburadora at Agnes Rarangol ang nag-layout sa mga selyo.