Higit 800 bilyong pisong pagkalugi umano ng SSS, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinauungkat ni Senador Francis Tolentino sa Senado ang umano’y malaking pagkalugi ng Social Security System (SSS).
Naghain na si Tolentino ng Senate Resolution 1006 para paimbestigahan ang 2021 unaudited financial statement ng SSS kung saan nalugi ito ng mahigit 800 bilyong piso.
Nauna nang sinabi ng SSS na ang pagkalugi ay dulot umano ng pagpapalit ng accounting standards batay sa Philippine financial reporting standards pero matatag umano ang cash flow.
Pero sabi ni Tolentino dapat malaman kung ano ang pinagbatayan ng SSS sa kanilang accounting at ano ang epekto nito sa pensyon at iba pang benepisyo ng mga miyembro.
Aniya, paano malulugi ang ahensya gayong batay sa datos hanggang noong Abril 2021, aabot sa 40.49 million ang miyembro nito.
30.77 million dito o katumbas ng 76 percent ng mga manggagawa sa bansa ay regular na kinakaltasan ng kontribusyon habang 5.03 million ang may voluntary contributions.
Bukod dito, may 1.34 million pa na mga self-employed Overseas Filipino Workers na regular rin ang ginagawang pagbabayad ng kontribusyon.
Sa pamamagitan aniya ng imbestigasyon, malalaman kung kailangan bang gumawa ng bagong batas at mga panuntunan para matiyak ang financial stability ng SSS.
Meanne Corvera