2-day Duterte Legacy summit, umarangkada na
Sinimulan na ng Malakanyang ang dalawang araw na Duterte Legacy Summit, Huling Ulat sa Bayan ngayong araw May 30 hanggang bukas, May 31 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay.
Anim na cabinet cluster ang mag-uulat sa bayan kaugnay ng mga nagawa ng Duterte administration sa loob ng anim na taon na may kinalaman sa ekonomiya, peace and order, infrastructure at foreign policy.
Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa loob ng anim na taon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nadama ng taongbayan ang mga pagbabago sa buhay at kabuhayan sa kabila ng pananalasa ng Pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Medialdea kabilang sa pamana ng Duterte administration ay ang pagtatag ng mga Malasakit Center sa ibat-ibang panig ng bansa na makatutulong sa kalagayang pangkalusugan ng bawat mahihirap na mamamayan, libreng pag-aaral sa kolehiyo, matagumapay na kampanya laban sa pagkalat ng iligal na droga, pagdaragdag ng coverage ng electricity sa mga kanayunan, libreng irigasyon sa mga magsasaka, at kampanya laban sa communist insurgency.
Inihayag ni Medialdea, ramdam ng publiko ang mga pamanang pagbabago sa buhay at kabuhayan ng bawat Pilipino at ang katunayan nito ay taglay ni Pangulong Duterte ang 82 percent na approval, popularity at trust rating sa huling buwan ng kaniyang panunungkulan na maituturing na pinakamataas kumpara sa mga sinundan niyang naging Pangulo ng bansa.
Pinasalamatan din ni Medialdea ang mga taong nasa likod ng matagumpay na pamamahala ni Pangulong Duterte sa loob ng anim na taon sa kabila ng mga hamon na pinagdaanan.
Vic Somintac