5 opisyal ng Constitutional Commission bigong makalusot sa C.A.
Bigong makalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments ang 5 opisyal ng Constitutional Commission.
Walang sapat na quorum ang Komite para talakayin ang Ad Interim Appointment nina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Comelec Commissioners George Garcia at Aimee Neri, Civil Service Chair Karlo Nograles at Rizalina Justol bilang Chairman ng Commission on Audit.
Sa pagdinig, umapila si Senador Aquilino “Koko” Pimentel sa mga kapuwa miyembro ng CA na ipasa na ang kumpirmasyon ng limang opisyal.
Qualified naman aniya sila sa puwesto at hindi na mahalaga kung appointed sila ng outgoing o incoming President.
Giit ni Pimentel, mahalaga ang appointment ng mga opisyal para matiyak ang checks and balance sa gobyerno.
Dahil dito, nagdesisyon ang Chairman na si Senador Cynthia Villar na mag-check ng attendance kung saan 5 lamang ang physically present habang 3 ang naka-online.
Siyam na miyembro ang kinakailangan para makabuo ng quorum at matalakay ang anumang nakasalang na agenda.
Dahil bypassed, maaari naman silang maire-appoint ni President-elect Bongbong Marcos.
Epektibo ring bumaba agad sa puwesto ang nasabing mga opisyal dahil bigong makalusot sa CA.
Pero habang wala pang naitatalagang kapalit nila sa puwesto, magtatalaga muna ng isang most Senior official na siyang aakto ngayon sa Comelec.
Meanne Corvera