Pagsasampa ng kasong plunder kay PRRD kaugnay sa umano’y anumalya sa pagbili ng medical supplies, malabo- Senado
Walang ebidensya na magdadawit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang pananagutan sa kontratang pinasok ng gobyerno para sa pagbili ng medical supplies sa kasagsagan ng Covid-19 Pandemic.
Ayon kay Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, ito ang dahilan kaya maraming Senador ang hindi lumagda sa draft report ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng ginawang imbestigasyon sa umano’y anomalya na kinasangkutan ng mga opisyal ng Procurement Servicce ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa initial report na inilabas ng Komite, si Senador Richard Gordon, inirerekomenda ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay pangulong duterte dahil sa umano’y pagtatanggol sa mga opisyal ng Pharmally na nasa likod ng maanomalyang kontrata.
Giit ni Zubiri, ang paglagda ay nangangahulugan na rin ng pagsang-ayon sa nakasaad sa committee report.
Bukod kay Zubiri, hindi sang-ayon si Senador Sherwin Gatchalian sa rekomendasyon ng komite.
Habang si Senador Nancy Binay ay hindi umano lumagda dahil hindi pa niya nababasa ang report.
Hindi pa rin naisusumite sa plenaryo ang report dahil 8 pa lamang sa may 20 miyembro ang lumagda sa report dahil upang makalusot, kakailanganin ang 11 pirma ng mga Senador.
Kung mabibigong maisalang pero hindi pa rin natatalakay sa Plenaryo, ang report ay mapupunta na lamang sa archive ng Senado pero maaari pa aniyang magamit kung may maghahain ng resolusyon sa susunod na Kongreso.
Sa June 30, sa pagtatapos ng termino ng 18th Congress, maaari na ring mapalaya ang mga opisyal ng Pharmally na sina Lincoln Ong at Mohit Dargani.
Sina Ong at Dargani ay ipinakulong ng Blue Ribbon Committee dahil sa pagtangging makipagtulungan at magbigay ng financial details hinggil sa pinasok na kontrata sa pamahalaan.
Meanne Corvera