Pharmally executives Ong at Dargani, nakalabas na sa Pasay City Jail
Anim na buwan matapos na ipiit sa Pasay City Jail ay nakalaya na nitong Hunyo 2, Huwebes sina Pharmally Pharmaceutical executives Linconn Ong at Mohit Dargani.
Ito ay makaraang ipalabas ng Senado ang release order sa dalawa isang araw bago ang pagsasara ng 18th Congress.
8:14 ng umaga nang dumating sa city jail ang mga tauhan ng Office of Senate Sergeant-at-Arms para isilbi sa warden ang release order nina Ong at Dargani.
Makaraan naman ang isang oras bandang 9:00 ng umaga ay nakalabas na nang tuluyan ang dalawa sa city jail kasama ang kanilang mga abogado.
Hindi na nagpaunlak ng panayam sina Ong at Dargani.
Ang dalawa ay ikinulong sa city jail noong Nobyembre 29 ng nakaraang taon kasunod ng kautusan mula sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ipinalipat doon ng Senado ang dalawa dahil sa pagtanggi na isumite ang mga financial documents ng kumpanya kaugnay sa imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa pagbili ng gobyerno ng mga COVID-19 medical supplies.
Iginiit ng abogado nila na si Ferdinand Topacio na nalabag ang karapatan nina Ong at Dargani at inabuso ng Senado ang kapangyarihan nito.
Naniniwala si Topacio na dapat pag-aralan ang paglimita sa contempt power ng Senado.
Handa naman ang Pharmally officials na linisin ang pangalan nila sakaling kasuhan sila nang pormal sa korte.
Ayon pa sa abogado ng dalawa na si Donn Kapunan, mas nais nila na sa korte humarap dahil mabibigyan sila doon ng patas na oportunindad para sagutin ang akusasyon.
Balak naman ni Topacio na maghain ng kaso laban kay Senate Sergeant-at-Arms Rene Samonte dahil sa sinasabing pag-intimidate at pananakot sa kanyang mga kliyente at paninira sa kanya bilang abogado.
Pag-aaralan pa ng kampo ng dalawa kung magsasampa sila ng counter-charges laban sa Blue Ribbon Committee dahil sa pagpapakulong sa mga negosyante.
Moira Encina