Buhay ng isang pastry chef sa barko
Magandang araw mga kapitbahay! May kakilala ba kayong seafarer? Malamang ay oo ang inyong sagot. Isang seafarer ang kamakailan ay nakakuwentuhan natin sa programang Kapitbahay, si Chef Vey Constantino Conde, pastry chef sa isang Norwegian Cruise ship.
Sa kuwento niya sa atin, nag-apply siya at nagbigyan ng job offer. First time niyang magtrabaho sa barko at malayo sa kanyang pamilya nang matagal. Culture shock ang sumalubong sa kanya sa mga unang linggo niya, gusto na daw niyang umuwi pero malabong mangyari ‘yun lalo na at nasa kalagitnaan sila ng dagat.
Kaya ang inisip niya, kung kinaya ng mga kasama niya sa barko, kakayanin niya rin. Mabuti na lang din at may stopover sila sa ports na minsan ay pinapayagan silang lumabas o bumaba ng barko para makita naman ang kapatagan at kahit papaano ay makapasyal sa maikling oras man lang.
Tulad din ng mga kasama niya sa barko, walang day-off o rest day. Nagtatrabaho ng ten hours or more. Seven days a week ang trabaho niya bilang pastry chef sa isang restaurant na nasa loob ng cruise ship. Walong buwan ang kontrata.
Hindi ko naiwasan na itanong sa kanya, kung malaki ba ang suweldo? Hindi ganuon kataas, ‘yan ang sagot niya. Bagaman totoo ang sinasabi ng iba na lumalaki ang take dahil sa mga tip, kaso kapag hindi ka naka-expose sa mga customer na katulad niya hindi tulad ng waiters ay hindi maaasahan ang tip.
Hindi ko rin pinalagpas na itanong sa kanya kung mahihiluhin ba siya na katulad ko? At kung ano ang kanyang ginawa paraa maovercome ito? Sabi ni Chef Vey, mahihiluhin siya kaya ang ginawa ay binigyan siya ng anti-hilo and after sometime ay medyo nasanay na rin bagaman hindi maiaalis na kapag malalaki ang alon ay makaramdam talaga ng hindi maganda.
Bilang pastry chef, bahala siya sa dessert. Cakes, pastries ‘yan ang ginagawa niya. Natutuwa naman siya at nagugustuhan ang kaniyang cakes na gawa.
Samantala kung ang pag-uusapan ay ang pakikisama, ang sabi ni Chef Vey, 67 nationalities ang kasama niyang nagtatrabaho sa barko. Nirerespeto nila ang isa’t isa. Nakikiramdam sa simula, kailangan ang adjustment. Ang mga kabababayan natin na kasama niya ang tumulong din kay Chef para malagpasan niya ang hirap sa pagtatrabaho sa barko.
Puwede na itinatanong natin, bakit ba siya nagtrabaho sa barko or sa isang cruise ship gayung may stable job naman siya dito sa bansa? Banggit niya ay dahil sa gusto niyang mag-grow, nais niyang maranasan na magtrabaho bilang sea based worker, and try something new.
Bilang panghuli, nabanggit ni Chef Vey na hindi niya masasabing walang regrets, lalo na nga’t iniiisip mo ang pamilya mo, subalit, kapag nakapag-adjust ay makakayanan lalo pa nga at para din naman ito sa mga mahal sa buhay. Never give up kahit mabigat ang trabaho. Hindi puwede ang papetiks petiks sa paggawa. Mahirap man, hindi daw siya nagsasalita ng tapos kung magre-renew ng kontrata. I do not want to close the doors, dagdag pa niya.