P5.1 milyong halaga ng shabu na itinago sa toy drums nasamsam ng BOC
Nakasamsam ang Bureau of Customs (BOC) ng P5.1 milyong halaga ng shabu na itinago sa toy drums.
Ayon sa BOC, naaresto rin sa isinagawang anti-illegal drugs interdiction operation ang package consignee na isang residente ng Cainta, Rizal, at kasabwat nito na residente naman ng San Juan City.
Sinabi ng kawanihan na tinangka ng dalawa na kunin ang package–na galing ng Mexico at idineklara bilang “Bateria, Musical, Dulces” at dumating noong May 30—sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Ayon sa customs, ang 750 gramo ng shabu ay nadiskubre makaraang isailalim sa pisikal na eksaminasyon ang package, pagkatapos ng isang routine X-ray.
Ang claimants ay isinailalim na sa custodial investigation para sa inquest prosecution para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng Sections 119 at 1401 ng RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).