Japanese tycoon Kazuo Okada at negosyanteng si Tonyboy Cojuangco, kinasuhan ng kidnapping sa DOJ
Nahaharap sa patung-patong na kaso sa DOJ ang Japanese tycoon na si Kazuo Okada at ang business partner nito na si Antonio “Tonyboy” Cojuangco dahil sa sinasabing iligal at marahas na takeover sa hotel casino na Okada Manila.
Mga reklamong kidnapping and serious illegal detention, grave coercion, at unjust vexation ang inihain ni Hajime Tokuda at iba pang opisyal ng Tiger Resorts and Leisure Entertainment Inc.na operator ng Okada Manila laban sa mga respondents.
Bukod kina Kazuo Okada at Cojuangco, inireklamo rin ang 20 iba pang indibiduwal kabilang ang umano’y mga goons o private security nina Cojuangco.
Ang sinasabing pag-take over nina Okada at Cojuangco ay kasunod ng pagiisyu ng Supreme Court Second Division ng Status Quo Ante Order na nagri-reinstate muli kay Kazuo Okada bilang chair ng Tiger Resorts.
Sa reklamo, inakusahan sina Okada at Cojuangco at mga kasabwat nito ng pagdukot kay Hajime Tokuda sa loob ng hotel habang nasa isang meeting.
Ayon sa abogado ng Tiger Resorts and Leisure Entertainment na si Estrella Elamparo, bagamat ibinalik sa tahanan nito si Tokuda ng mga respondents ay maituturing na kidnapping at serious illegal detention ang ginawa rito.
Marahas at sapilitan din aniyang pinaalis ng mga respondents ang isa pang direktor ng kumpanya na nagresulta ng pagkakaroon nito ng malaking sugat sa braso.
Maging ang abogada raw ay nadamay sa kaguluhan at binabalak rin na magsampa ng hiwalay na kaso.
Iginiit ni Elamparo na bagamat nakakuha ng Status Quo Ante Order sina Okada mula sa SC ay hindi ito nangangahulugang maaari nang puwersahang i-takeover ang kumpanya.
Aniya wala pa ring karapatan ang grupo ni Okada na mag-takeover dahil iisa lang ang share nito sa kumpanya.
Naniniwala siya na inabuso nina Cojuangco ang utos ng SC.
Plano naman nina Elamparo na maghain ng mosyon sa Supreme Court para ipabatid dito ang nangyaring karahasan sa hotel at humingi ng remedyo.
Sinabi pa ng abogada na naghain ng mosyon ang panig nina Okada sa SC para matakeover ang hotel pero hindi na nito hinintay ang ruling at sinugod na ang establisiyimento.
Moira Encina