Pangulong Duterte ,umapela sa taongbayan na suportahan ang papasok na administrasyon ni President Elect Bongbong Marcos
Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mamamayan na suportahan ang bagong administrasyon ni President Elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ginawa ng Pangulo ang apela sa kanyang regular weekly Talk to the People sa Malakanyang.
Ayon sa Pangulo tapos na ang pamumulitika dahil nagsalita na ang taongbayan at mayroon ng bagong liderato na mamumuno sa bansa sa loob ng susunod na anim na taon.
Sinabi ng Pangulo na ang kailangan ng bansa ay nagkakaisang mamamayan para makabangon sa krisis na idinulot ng pananalasa ng pandemya ng COVID-19.
Inihayag ng Pangulo na nais niyang magtagumpay ang Marcos administration dahil ito ay makakatulong ng malaki sa kapakanan ng buong bansa at ng sambayanang pilipino.
Niliwanag ng Pangulo na gagampanan niya ang kanyang tungkulin katulong ang kanyang gabinete hanggang sa huling sandali ng kanyang termino sa June 30 ng taong kasalukuyan.
Vic Somintac