Pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month, pinangunahan ng DOH
Pangungunahan ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Soccsksargen ang national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs) sa rehiyon, sa pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month ngayong Hunyo.
Sinabi ni Arjohn Gangoso, tagapagsalita para sa DOH-CHD Soccsksargen, na nakatuon ang gobyerno ng Pilipinas sa paglaban sa sakit sa pamamagitan ng komprehensibong Dengue Prevention and Control Program nito upang matiyak ang kapakanan ng mga mamamayan.
Aniya, hinihikayat din ng DOH ang NGAs, LGUs at mga pribadong sektor na lumahok sa pagdiriwang ngayong 2022 at ipatupad ang kanilang dengue awareness drive sa kani-kaniyang tanggapan o lokalidad.
Hinimok ni Gangoso ang mga tahanan at mga komunidad na palagiang linisin ang kanilang kapaligiran upang mamatay ang itlog at mabawasan ang populasyon ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Aniya . . . “Ngayong tag-ulan dumarami na naman ang lamok, kailangan natin protektahan ang ating sarili at pamilya laban sa dengue. Mag-enhance 4S kontra dengue,” at sinabing mas mainam ang pag-iwas kaysa paggamot.
Ang 4S strategy ay kinabibilangan ng search and destroy, self-protection, seek early consultation, at support fogging or spraying.
Ang unang strategy (search and destroy) ay tumutukoy sa paghanap at pagsira sa breeding sites ng mga lamok na makikita sa mga espasyo tulad ng mga kanal o lalagyan gaya ng mga paso ng bulaklak, mga plorera, mga hindi nagamit na gulong o mga drum kung saan maaaring maipon ng matagal ang stagnant water o tubig na hindi dumadaloy.
Kaya binigyang-diin ni Gangoso na mahalaga ang regular na paglilinis o pagpgpalit sa mga ito, sa pagsasabing kasama rin dito ang mga hindi nagagamit na garapon, lata, canisters o iba pang lalagyan kung saan puwedeng maipon ang tubig.
Ang “Self-protection” na ikalawang estratehiya ay kinapapalooban ng pagsusuot ng mahahabang pantalong at long-sleeved shirts, at pagpapahid ng mosquito repellent araw-araw.
Ang ikatlo (seek early consultation) ayon kay Gangoso ay ang agad na pagkonsulta sa isang manggagamot sa loob ng dalawa o tatlong araw, kung ang lagnat ay tuloy-tuloy at may lumabas nang rashes sa balat.
Bukod sa lagnat at rashes, kabilang din sa sintomas ang sakit ng ulo, pamamaga ng lymph glands, pagduduwal, pagsusuka, at pagdurugo ng ilong o gilagid, pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, mga pasa at febrile seizures.
Hiniling din niya sa mga komunidad na suportahan ang fogging o spraying, laluna sa hotspot areas kung saan may napapaulat na pagtaas sa mga kaso upang maiwasan ang isang outbreak.
Sa kanila namang website ay nagpaalala ang World Health Organization (WHO) sa publiko, na ang mosquito fogging ay “hindi makasasama sa tao.”
Ayon sa WHO . . . “It contains an insecticide very similar to the insecticides used in most domestic insect spray cans that are found on supermarket shelves and the amount of insecticide in the fog is very small, and is dispersed at quantities that can only kill something as small as a mosquito. Mosquito fogging operation aims to kill or knock down any adult dengue mosquitoes that may be carrying the dengue virus.”
Ang isang buwang selebrasyon ay base sa Proclamation No. 1204 series of 1998 na nilagdaan ng noo’y pangulo na si Fidel V. Ramos. Bilang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), lalahok din ang Pilipinas sa pagdiriwang ng ASEAN Dengue Day sa June 15.
Sinabi pa ni Gangoso, na ang DOH-CHD Soccsksargen sa pamamagitan ng kanilang Health Promotion Unit ay nakatakda ring magsagawa ng isang ASEAN Dengue Day press conference sa kaparehong araw sa Koronadal City