Deadline sa paghahain ng SOCE ng mga kumandidato sa Elections hanggang bukas na lang
Isang araw bago ang deadline sa paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures ng mga kumandidato nanalo man o natalo sa katatapos na halalan, ilan pang kandidato ang humabol.
Kabilang sa mga naghain ng kanilang SOCE ngayong araw ang naging mahigpit na magkatunggali sa Presidential race noong May 9 elections na sina Vice President Leni Robredo at ngayo’y Presidential elect Bongbong Marcos.
Pero ang kampo ni Robredo, hindi nagbigay ng impormasyon patungkol sa nilalaman ng kanilang isinumiteng SOCE.
Habang sa impormasyon mula naman sa kinatawan ni BBM, ang kabuuang nagastos nito sa kampanya umabot sa mahigit 623.2 million pesos.
Batay sa nakasaad sa SOCE ni BBM, nakasaad na nakatanggap ito ng 373.2 million pesos na cash contribution at in kind contribution na 4.2 million pesos mula sa ibang source.
Habang mula sa kanyang political party ay nakatanggap ito ng 247.2 million pesos na in kind donation.
Ang kanyang ginastos naman mula sa natanggap na cash donations, umabot sa 371.7 million pesos habang sa in kind contribution naman ay 251.4 million pesos.
Karamihan daw ng gastos ni Marcos noong eleksyon ay sa political ads, rallies at bayad sa kanilang poll watchers.
Nakasaad pa sa SOCE na wala ring ginastos si BBM mula sa kanyang sariling bulsa.
Para naman sa sumobrang 1.4M na hindi nagastos sa natanggap nyang kontribusyon, babayaran nalang daw nila ang tax para rito.
Maliban kina Marcos at Robredo, naghain na rin ng SOCE ang iba pang kumandidato sa pagkapresidente na sina Senador Panfilo Lacson at Jose Montemayor Jr.
Dumating din kanina ang mga kinatawan ni Mayor Isko Moreno pero pinababalik nalang sila bukas dahil may kulang silang dokumento.
Sa mga kumandidato naman sa pagka bise presidente ay si Doc Willie Ong palang ang nakapaghain ng kanyang SOCE.
Sa mga kumandidato naman sa pagka Senador, kabilang sa nakapaghain na ng SOCE ay sina Senador elect Loren Legarda, Senador Sherwin Gatchalian, Jinggoy Estrada, Carl Balita, Herbert Bautista, Jose Diokno, Retired Gen M. Guillermo Eleazar, at Antonio Trillanes IV.
Una ng nagbabala ang Comelec, na ang mabibigong magsumite ng SOCE hindi makakaupo sa pwesto.
Madelyn Villar – Moratillo