Drive thru vaccination site para sa COVID -19 sa Maynila,pinatigil na
Tinapos na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang operasyon ng kanilang drive thru COVID- 19 vaccination site sa Quirino Grandstand.
Ayon sa Manila Public Information Office, sa huling operasyon nito kahapon, umabot sa 87,844 indibidwal ang naserbisyuhan at nabigyan ng booster dose ng COVID- 19 vaccine sa nasabing site.
Nabatid na ang desisyong isara na ang drive thru vaccination site para sa 4 wheels na sasakyan ay dahil sa matumal narin ang nagpapabakuna rito at para magamit na rin sa ibang aktibidad ang lugar.
Nilinaw naman ng Manila LGU na tuloy parin ang operasyon ng iba pa nilang Covid 19 vaccination site sa lungsod.
Pero ang Manila Covid 19 Hospital na nasa bisinidad rin ng Quirino grandstand, tuloy parin daw ang operasyon hanggang Disyembre.
Ayon kay Faye Orellana ng Manila PIO, may 11 pasyente ang kasalukuyang naka admit sa field hospital.
Pero ito ay 3% lang ng 344 bed capacity ng pagamutan.
Kabilang sa mga sineserbisyuhan ng Manila Covid 19 Field Hospital ay mga non Manileños at returning OFWs.
Madelyn Villar Moratillo