Resolusyon ng admin case vs BI personnel na sangkot sa ‘Pastillas’ scheme, malapit nang ilabas– Guevarra
Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na malapit na ring ilabas ang resolusyon sa kasong administratibo laban sa immigration personnel na dawit sa ‘Pastillas’ modus.
Ito ay kasunod ng paghahain ng kasong kriminal ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa ilang opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa ‘Pastillas’ scheme.
Ayon sa kalihim, nagsagawa ang DOJ ng parallel administrative investigation sa mga nasabing tauhan matapos ang fact-finding inquiry ng Bureau of Immigration.
Gayunman, iba ang listahan ng respondents sa admin complaint mula sa criminal complaint na inihain ng NBI sa Ombudsman.
Ang ruling sa administrative case aniya ang magdi-determina sa disciplinary action laban sa mga respondents.
Pangunahin sa sinampahan ng kaso ng Ombudsman sa korte ang dating hepe ng Immigration Port Operation Division na si Marc Red Mariñas na nagretiro noong 2019.
Si Mariñas ang itinuturong utak sa pastillas scheme.
Sa imbestigasyon ng NBI, sinabi na nagkuntsabahan ang mga sangkot na tauhan at opisyal ng BI para humingi at tumanggap ng mga salapi, regalo at iba pang benepisyo mula sa mga dayuhan kapalit ng VIP escort pagpasok sa bansa kahit wala sila ng mga kinakailangang dokumento.
Moira Encina