Paghahanda sa muling pagbubukas ng Dolomite beach, puspusan na
Puspusan na ang ginagawang paghahanda sa Manila Bay Dolomite Beach para sa nakatakdang pagbubukas nito muli sa publiko sa Hunyo 12 kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan.
May mga tauhan ng Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) ang naglilinis sa Dolomite Beach at may mga tumpok din ng buhangin din na inaasahang ilalatag doon.
Nailagay na rin ang World War II Heritage Cannon sa bahagi ng Remedios street, o sa tapat ng Rajah Sulayman Park.
Ayon sa DENR, ang kanyon na ito ay simbolo na hindi pa tapos ang giyera sa paglilinis sa Manila Bay.
Batay sa DENR, sa oras na muling buksan sa publiko, nasa 1,500 hanggang 3,500 katao lang muna ang papayagang makapasok sa Dolomite beach sa itatakdang oras.
Ito ay para maiwasan ang overcrowding sa lugar bilang pag-iingat sa banta ng Covid-19.
Madz Moratillo