Patuloy na pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin, posibleng maging banta sa pambansang seguridad
Magiging banta umano sa pambansang seguridad kung hindi mareresolba ng administrasyon ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Senator-elect Alan Peter Cayetano, maaaring samantalahin ng ekstremistang grupo ang sitwasyon para mag-recruit at maglunsad ng mga protesta o pag-atake laban sa administrasyon.
Sa ngayon hindi pa aniya ramdam ng publiko ang inflation dahil umiikot pa ang election money pero kapag naubos na ito ay mas mararamdaman na ng taumbayan ang epekto lalo na ang walang habas na pagtaas sa presyo ng langis.
Mungkahi ng Senador agad magpasa ng stimulus funds para sa ayuda ng mahihirap na pamilya.
Pero dapat hindi ito matulad sa Bayanihan Law 1 at 2 dahil karamihan sa mga probisyon nito ay hindi napakinabangan ng publiko.
Hindi na ito dapat idaan sa mga pulitiko sa halip ibigay ng derecho sa mga benepisyaryo at hindi na mauwi sa katiwalian.
Meanne Corvera