PSA: Unemployment rate sa bansa, bumaba nitong Abril
Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Abril.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na lang sa 2.76 million ang walang trabaho o katumbas ng 5.7 percent.
Mas mababa ito kumpara sa 2.93 million nitong Enero ngayong taon at 4.14 million noong Abril 2021.
Ito na ang pinakamababang naitalang datos mula nang magka-Pandemya ng Covid-19 kung saan nakapagtala ng mataas na unemployment rate noong 2020 na umabot sa 17.6% o 7.3 milyong jobless Filipino.
Sinabi ni National Statistician Undersecretary Dennis Mapa na malaking ambag sa pagtaas ng bilang ng nagkaroon ng trabaho ang sektor ng agrikultura dahil sa panahon ng anihan.
Lumakas rin ang wholesale at retail trade tulad ng pagre-repair at bentahan ng spare parts ng mga motorsiklo.
Bukod rito, nagkaroon ng trabaho ang mga Pilipino dahil sa pagdaraos ng eleksyon.
Sa ngayon aabot na sa 45.4 million ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong may trabaho sa bansa.
Meanne Corvera