18 opisyal at tauhan ng BI na sangkot sa ‘Pastillas’ modus, sinibak sa puwesto ng DOJ
Pinatawan ng parusang dismissal ng DOJ ang 18 opisyal at kawani ng Bureau of Immigration na dawit sa ‘Pastillas’ modus.
Batay ito sa resolusyon ng DOJ na nagsagawa ng hiwalay na administrative investigation sa kaso.
Napatunayang guilty ng DOJ ang 18 immigration personnel sa mga reklamong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best Interest of the service kaugnay sa pastillas scheme.
Bukod sa pagkatanggal sa puwesto, pinatawan din ang mga respondents ng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.
Sinabi ng DOJ na ang 18 BI personnel ang natukoy na nag-asikaso at pumayag sa pagpasok at pag-alis sa bansa ng mga Chinese nationals na hindi dumaan sa kaukulang proseso sa immigration.
Nilinaw ng DOJ na kung hindi man nakasama sa admin case ang iba pang isinasangkot sa pastillas modus ay hindi ito nangangahulugan na lusot na ito sa ibang kasong kriminal na maaaring isampa sa mga hukuman.
Kamakailan ay ipinagharap ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong kriminal ang nasa 40 immigration officers.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagsabwatan ang mga sangkot para humingi ng pabor at suhol mula sa mga dayuhan kapalit ng VIP escort pagpasok sa bansa kahit wala sila ng mga kinakailangang dokumento.
Ang suhol o salapi ay sinasabing nakabalot sa papel na parang pastillas.
Moira Encina