Pagtaas at pagbaba ng COVID-19 alert level may pamantayan ayon sa DOH
Dapat makapagtala ng 818 na bagong kaso ng COVID- 19 kada araw sa loob ng 2 linggo sa Metro Manila bago ito maiakyat sa Alert level 2.
Ito ang nilinaw ni Health USEC Ma. Rosario Vergeire kasunod ng mga ulat ng posibilidad na maiakyat sa Alert level 2 ang National Capital Region.
Paliwanag ni Vergeire, may mga pamantayan na kailangang sundin sa pagtaas o pagbaba ng alerto sa isang lugar.
Kabilang na rin aniya rito ang pag- akyat ng health care utilization rate sa moderate risk kapag umabot na sa 50% ang occupancy rate.
Sa ngayon, nananatili parin aniya sa low risk category ang NCR.
Bagamat may 12 lugar sa Metro Manila ang nakitaan aniya ng tuloy tuloy na pagtaas ng kaso, hindi pa naman ito naconvert sa pagtaas ng hospital admissions.
Maging sa kabuuan ng bansa, hindi rin aniya nakikita ng DOH na tataas ng husto ang average daily attack rate sa 6 na sa ngayon ay hindi pa umaabot sa 1.
Bagamat may nakitang pagtaas ng mga kaso, malaking porsyento naman aniya ay asymptomatic at mild lamang.
Sa kabila nito, nagbabala naman ang DOH sa posibilidad ng pagtaas ng bilang ng maoospital dahil sa COVID- 19 pagsapit ng Agosto.
Payo ni Vergeire, maiiwasan naman ang mga ito kung patuloy na susunod ang publiko sa health protocols at magpapabakuna o booster shot kontra COVID- 19.
Madelyn Villar Moratillo