Pagdami ng mga Pinoy na nagsasabing bumuti ang kanilang buhay senyales na nakakabangon ang ekonomiya ng bansa
Ikinatuwa ng Malakanyang ang pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS na nagsasabing 32 percent ng adult Filipino ang nagpahayag na mas maayos ang kanilang buhay nitong second quarter ng taong kasalukuyan kumpara sa 24 percent noong last quarter ng taong 2021.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar ang pagbuti ng buhay ng mga mamamayan ay patunay na epektibo ang kasalukuyang COVID- 19 pandemic response ng pamahalaan.
Ayon kay Andanar nagawa ng Duterte administration na mabalanse ang pagtugon sa aspetong pangkalusugan at pang- ekonomiya.
Inihayag ni Andanar tama ang desisyon ng pamahalaan na luwagan na ang mga restrictions upang makabangon na ang ekonomiya na nalugmok dahil sa pananalasa ng pandemya ng COVID-19.
Kaugnay nito muling umapela ang Malakanyang sa publiko na panatilihin ang pag-iingat sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinatutupad na standard health protocol na mask hugas iwas dahil hindi pa tuluyang humuhupa ang pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac