Metropolitan Theater sa Maynila , nasunog
Nasunog ang bahagi ng Metropolitan Theater sa Maynila kanina.
Mabilis rin namang naapula ang sunog na nagsimula pasado alas-8 ng umaga at umabot hanggang sa ikalawang alarma hanggang sa naapula ito bandang 9:41 ng umaga.
Ayon kay Lt. Sonny Lacuban, ng Bureau of Fire, ang nasunog na bahagi ay nagsisilbing bodega at wala namang nasaktan ng mangyari ang insidente.
Patuloy pa aniya ang imbestigasyon sa pinagsimulan ng apoy bagamat sinasabing may nagwewelding daw malapit sa bodega ng mga panahong iyon.
Kasama sa nasunog ang mahigit 50 lumang upuan pero sa ngayon inaalam pa ng BFP kung magkano ang halaga ng pinsala ng sunog.
Ang mga opisyal ng National Commission for Culture and the Arts, agad namang bumisita at nag-inspeksyon sa MET.
Ayon kay NCCA Executive Director Oscar Casaysay, sa linggo ay mayroon silang film showing kasabay ng paggunita sa heritage month.
Maging ang gala concert sa Hunyo 24 kaugnay naman ng 451st anniversary ng Maynila tuloy rin.
Ayon kay Casaysay, mula ng simulan ang restoration sa MET noong 2017, tuloy tuloy pa rin ang ginagawang pagsasaayos rito.
Bagamat noong Disyembre ng nakaraang taon, binuksan ito sa publiko para sa pagdiriwang ng founding anniversary ng Maynila.
Madelyn Villar- Moratillo