Groundbreaking ceremony ng Philippine Sports Training Center sa Bataan, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang groundbreaking ceremony ng itatayong Philippine Sports Training Center (PSTC), sa Barangay Parang sa bayan ng Bagac, sa Bataan.
Ang itatayong state-of-the-art sports hub na may sukat na 250,000 square meters, ay donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan at may budget na 3.5 million pesos, na inaasahang matatapos sa 2025.
Ang PSTC project ay nilagdaan ni Duterte noong Pebrero 14, 2019 sa ilalim ng Republic Act 11214.
Sa loob ng center ay itatayo ang iba’t-ibang pasilidad gaya ng administration building, athletes and coaches dormitory, multi-purpose gymnasium and field, mga villa para sa mga guest, sports science building, medical center, school building at iba pa.
Inaasahan na makakabilang din sa amenities ang para sa olympic sports at non-olympic sports.
Kasama ng pangulo na dumalo sa okasyon si Senator Christopher “Bong” Go na chairman ng Senate Committee on Sports, Phil. Sports Commission (PSC) Chairperson William Ramirez, Governor Albert Garcia, Bataan 2nd District Representative Congressman Joet Garcia, mga opisyal ng PSC, mga opisyal ng National at Local government, at mga atleta.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na ang PSTC ang magiging tahanan ng mga atleta para sa hinaharap at angkop na lugar para sa pagsasanay ng mga manlalaro ng bansa at maging ng mga kabataang Pinoy. Makapagpapalakas aniya iyon ng morale para makapagtatag ng world class athletes ang Pilipinas, na sasabak sa sports locally at gobally.
Malaki naman ang pasasalamat ni Gov. Garcia sa naturang proyekto na makapagpapasigla sa lalawigan at sa mga manlalaro ng bansa, dahil magkakaroon na sila ng isang maganda, maayos at kumpleto sa kagamitan na sports center na magagamit sa kanilang pagsasanay, upang mas lalo pang maiangat ang antas ng mga atletang Filipino.
Report ni Josie Martinez