Civil disturbance management competition, isinagawa ng police regional office III sa Pampanga City
Ilang araw bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hunyo a-30, ay nagsagawa ng isang civil disturbance management competition ang police regional office III sa Camp Olivas sa Pampanga City.
Kaugnay ng paghahanda sa inagurasyon ay inilatag ng Philippine National Police (PNP), ang mga hakbangin sakaling may mga raliyistang nais manggulo sa araw na iyon.
Ang kumpetisyon ay nilahukan ng pitong provincial police office, dalawang city police office, at regional mobile force battalion.
Layunin nitong maihanda ang mga nasa hanay ng kapulisan sakaling kailanganin ng pamahalaan ng karagdagang puwersa.
Gayundin, magkaroon ng dagdag na kasanayan sapaglalapat ng maximum tolerance na ipinatutupad kapag may mga grupong nais manggulo sa isang malaking pagtitipon na isinasagawa ng gobyerno, pangunahin ang nalalapit na inagurasyon ni Marcos, Jr.
Sinabi ni Police Brig. Gen. Matthew Baccay ng Police Regional Office III, na ang ganitong kumpetisyon ay bahagi ng pagsasanay ng mga pulis upang ma-protektahan hindi lamang ang sarili kundi masigurong ligtas ang bawat raliyista o indibidwal.
Ayon sa opisyal, may kalayaang magsiwalat ng saloobin ang sinuman pagdating sa usapin ng bansa, subalit kailangan din aniyang ipatupad ang umiiral na batas nang hindi lalabag sa karapatang pantao.
Ginawaran naman ng pagkilala ang Pampanga at Bulacan Provincial Office bilang over-all champion sa isinagawang civil disturbance management competition.
Report ni Jimbo Tejano