SEC pinagtibay ang pag-revoke sa registration ng Rappler
Tuluyan nang iniutos ng Securities and Exchange (SEC) ang pagsasara ng online news site na Rappler.
Ito ay makaraang pagtibayin ng SEC ang naunang desisyon nito noong 2018 na ipinapawalang- bisa ang certificates of incorporation ng Rappler at ng Rappler Holdings Corporation (RHC).
Sa 12- pahinang kautusan ng SEC na may petsang June 28, 2022, nanindigan ang komisyon na tahasang nilabag ng Rappler at RHC ang Saligang Batas.
Partikular na ang pagbabawal o restrictions sa foreign ownership sa mass media.
Dahil dito, iginiit ng SEC na dapat lang na ibasura ang corporate registration ng Rappler.
Ayon sa SEC, nag-ugat ang paglabag ng Rappler sa pag-iisyu nito ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa Omidyar Network na isang dayuhang entity na nagbibigay ng kontrol rito sa news site.
Paliwanag pa ng komisyon, may probisyon sa PDRs na nagoobliga sa mga stockholders na Pinoy ng Rappler na hingin ang approval ng Omidyar sa mga corporate matters.
Ipinawalang bisa rin ang registration ng RHC dahil sa pagiging alter ego na ang tanging layunin ay pagtakpan ang paglabag sa Saligang Batas ng Rappler.
Sinabi ng SEC na ilang beses na kinatigan ng Court of Appeals ang kanilang ruling laban sa Rappler at pinal na ang desisyon ng CA.
Maging ang Korte Suprema anila ay idineklarang tapos at sarado na ang kaso.
Batay pa sa ruling, hindi na-cure o naitama ang paglabag ng Rappler sa Konstitusyon sa ginawang pagdonate ng Omidyar ng PDRs sa Pinoy staff ng Rappler.
Binigyang-diin pa ng SEC na ang lahat ng mga pagkuwestiyon ng Rappler ay nasagot at nadinig ng komisyon at ng CA sa mga resolusyon nito.
Moira Encina