‘Marites’ kuwento sa likod ng mga pangalan.
Ikaw ba ay nakarelate sa lumabas na balitang may batang umiiyak dahil sa haba ng kanyang pangalan, eh paano kung bukod pa sa mahaba ang pangalan ay mahirap din ang spelling, idagdag pa natin na ito ay mahirap ding bigkasin… challenge hindi ba?
Ang pangalan ay nagbibigay ng identity o pagkakakilanlan ng isang tao.
Bago pa tayo bigyan ng pangalan ng ating magulang tiyak pinag-gugulan ng panahon, pinag-isipan mabuti at sa bawat pangalan ay merong kahulugan, kuwento o kasaysayan.
Pero alam ba ninyo na ang pangalan natin ay may kaugnayan sa ating personalidad.
Ang sabi ng pambansang psychiatrist na si Dr. Joan Mae Perez- Rifareal.
Ang name ay isang powerful sense of identity at uniqueness na nakatatak sa atin panghabambuhay.
May dalawang bagay kung paano nakakaapekto ang pangalan ng tao sa kanyang personalidad.
Ito ang personal impact at ang pagtingin ng ibang tao.
Lumalabas sa pag-aaral na ang pangalan ay may impact sa ating nararamdaman, may impluwensiya sa pagpili ng trabaho, likeability para sa iba.
Dagdag pa niya we intend to adapt our names, tulad ng pangalang “ Beauty” or “Hope” , and we tend to act base on our names.
Pero, kapag hindi natin ‘feel’ ang ating pangalan, tila baga may epekto sa self-esteem, even the way we behave.
Pero sabi ni Doc Rifareal, huwag mag-alala kung ayaw natin sa ating pangalan, maging creative, gumawa ng alternative na paraan like maaring gamitin ang palayaw/nickname o iyong swak sa ating personality, kung anong makakapagbigay ng kasiyahan sa atin, kung saan nakararamdam tayo ng kumpiyansa or better confidence.
Eto pa, kapag short ang name mas likeable, mas approachable ‘yan ang isip ng tao, kumpara sa kapag mahaba ang pangalan o unique ang name, mas mababa ang likeability.
Ang payo ni Doc Rifareal, lagi nating I-embrace na mas maganda na alam natin ang history ng ating pangalan para mas maintindihan ang ating identity at uniqueness.
Sa huli, paalala niya huwag magalit sa nagpangalan sa atin, manapa, tandaan anya na ang pangalan ay simbolismo ng ating identity, alamin ang malalim na kahulugan at kasaysayan ng ating pangalan.
Iwasan maging mapanghusga lalo na sa panahon ngayon kung saan may mga pangalan naka-associate sa negatibong karakter tulad ng pangalang “Marites” o “Karen” at marami pang iba.
Ikaw, alam mo ba ang kuwento ng pangalan mo?