Maraming lugar sa bansa nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19
Halos lahat ng lugar sa bansa ay patuloy na nakikitaan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa datos ng Department of Health, ang weekly positivity rate ngayon sa bansa, umakyat na sa 6 percent.
Habang ang sa National Capital Region, pumalo na sa 8.2%.
Sa datos ng DOH, ang arawang kaso ng COVID-19 ngayon sa NCR umabot na sa halos 450.
Ayon sa DOH, ang NCR Region 4A at 6 ay nakitaan ng positivity rate na higit sa 5 porsyento.
Pero sa kabila nito, nananatili parin naman sa low risk category ang buong bansa.
Lahat ng rehiyon, nananatili rin sa low risk.
Una rito, sinabi ni Health Usec Ma Rosario Vergeire na inalis na nila ang two week growth rate sa metrics o batayan ng pagtaas ng alert level status sa isang lugar.
Kaya naman kahit pumalo sa higit 8 porsyento ang positivity rate ng NCR nananatili parin ito sa low risk at sa Alert level 1.
Paliwanag ng DOH, hindi naman nakakaapekto ang mataas na mga kasong ito sa health care system na ngayon ay nasa 19% parin.
Mula noong peak noong Enero, nanatili rin umanong pababa ang bilang ng mga namamatay sa bansa dahil sa COVID-19.
Madelyn Villar – Moratillo