Mga Senador naghain na ng kani-kanilang panukalang batas at resolusyon
Naghain na ang mga Senador ng kani- kaniyang panukalang batas at resolusyon .
Batay sa rules, si Senador Loren Legarda ang nauna sa pila bilang senior member o may pinaka mahabang termino sa Senado.
Isa sa kaniyang inihaing panukala, ang mabigyan ng tablet ang bawat estudyante na naka-enroll sa lahat ng pampublikong eskwelahan kasama na ang mga state college and univeristies.
Sa panukalang One Tablet One Student Act 0f 2022 na inihain ni Legarda, sinabi nito na dahil sa COVID-19 pandemic, nag-iba ang learning set up ng mga kabataan.
Pero maraming mga mahihirap na estudyante ang hindi makasabay sa distance o online learning dahil walang kakayahang bumili ng sariling gadgets.
Nakapaloob sa panukala na ang Department of Education at Commission on Higher Education ang naatasang tumukoy kung sino sino ang mga kwalipikadong estudyante.
Sa datos ng DEPED at CHED, aabot sa 28 million na mga elementary at high school students habang 1.6 million ang nasa kolehiyo ang walang sariling gadgets para sa online learning.
Kapwa naman isinusulong nina Senador Sonny Angara at Senador Ramon Bong Revilla ang panukalang dagdagan ang cash allowance at teaching supplies allowance ng mga guro .
Mula sa kasalukuyang 3,500 pesos, nais ng mga Senador na gawin itong limang libong piso kada guro sa bawat taon para tumugma sa kasalukuyang datos ng inflation.
Meanne Corvera