VP at DEPED secretary Sara Duterte – Carpio pinuri ang mga tauhan at opisyal ng DEPED
Pinasalamatan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte Carpio ang mga tauhan at opisyal ng Department of Education.
Sa turn over ceremony sa DEPED na may temang pagpupugay at pasasalamat, sinabi ni Duterte carpio na kahanga hanga ang naging paninindigan ng mga taga DEPED na ituloy ang pag- aaral ng mga kabataan kahit sa kasagsagan ng pandemya ng COVID- 19.
Sinabi rin ni Sara na sa loob ng anim na taon ipinakita aniya ni Outgoing Secretary Leonor Briones ang pagbibigay ng solusyon sa mga problemang kinakaharap ngayon ng mga kabataan at hindi ito nagpadala sa matinding pressure.
Isa aniya si Briones sa kaniyang magiging inspirasyon sa pagganap niya sa sektor ng edukasyon lalo na ang integridad at commitment nito na ipagpatuloy ang edukasyon kahit may pandemya.
Aniya, mananatiling katuwang ng DEPED si Briones bilang consultant.
Bago ang turn over ceremony, naging abala si Duterte – Caprio sa pakikipagpulong sa private educational associations kung saan natalakay ang pagbubukas ng mga pribadong eskwelahan na nagsara dahil sa pandemya.
Sinabi pa ng kalihim mahalaga ang papel ng mga pribadong eskwelahan at matiyak na babalik na sa eskwelahan ang mga kabataan.
Meanne Corvera