SC ipinahinto ang pagkansela sa proklamasyon sa nanalong mayor ng Agoo, La Union
Pinigil ng Korte Suprema ang ruling ng Comelec na kanselahin ang proklamasyon ng petitioner at nanalong alkalde ng Agoo, La Union na si Frank Ong Sibuma.
Ito ay sa pamamagitan ng inisyung TRO at Status Quo Ante Order.
Sa notice ng Supreme Court En Banc, inatasan din nito ang mga respondents na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw.
Bukod sa Comelec, respondent sa petisyon si Stephanie Ann Calongcagon na siyang ipoproklama sana ng poll body bilang mayor kapalit ni Sibuma.
Gayundin, ang residente ng Agoo na si Alma Panelo na kumuwestiyon sa Comelec ukol sa sinasabing hindi pagsunod ni Sibuma sa pamantayan sa residency dahil ito raw ay residente ng ibang bayan.
Kasama sa ipinahinto ng SC ang pag-reconvene ng Municipal Board of Canvassers ng Agoo, La Union para iproklama si Calongcagon.
Samantala, kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra na natanggap na nila sa email ang kopya ng TRO at SQAO ng SC sa kaso.
Inirefer na aniya ang kaso sa OSG task force for Comelec para ito pag-aralan.
Ang OSG ang tatayong abogado ng Comelec sa kaso.
Moira Encina