Digital payments sa bansa, tumaas sa 30% –BSP
Mula sa 20.1% noong 2020 ay tumaas sa kabuuang 30.3 % ang share sa digital payments sa retail payments sa bansa noong 2021.
Ito ay base sa pinakahuling datos sa e-payments ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kaugnay nito, ang halaga ng digital payments sa bansa ay kumakatawan sa 44.1% ng total retail payments mula sa 26.8% noong 2020.
Ayon kay bagong BSP Governor Felipe Medalla, ipinapakita nito na mas malapit na ang central bank sa mithiin nito na ma-convert ang at least 50% ng retail payment transactions sa digital form sa katapusan ng 2023.
Sa ilalim ito ng BSP Digital Payments Transformation Roadmap.
Ang pangunahing contributors sa overall growth sa digital payments ay merchant payments, peer-to-peer (P2P) remittances, at business payments ng mga sahod ng mga empleyado.
Moira Encina