154 na indibidwal kabilang ang aktres na si Nathalie Hart, Army reservists na
Inanunsiyo ng Philippine Army (PA), na may 155 mga indibidwal na nakakumpleto na ng Baisc Citizen Military Training (BCMT) ang mapapasama sa kanilang reserve force at tutulong sa regular troops sa pag-ayuda sa mga na-displace ng kalamidad at iba pang emergencies.
Sinabi ni Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad . . . “The 155-strong members of BCMT ‘Salinlahi’ Class 01-2022 hurdled the reservist’s training program from May 15 to July 9, 2022. The training program equipped them with basic soldiery and warfighting skills. The class is composed of professionals from various fields which also include actress Nathalie Hart.”
Ang pagsasanay ay idinaos sa Reserve Command, Philippine Army (RCPA)’s Camp Riego de Dios, sa Tanza, Cavite.
Tampok sa training exercises ang rope course, obstacle course, rappelling tower rapid deployment, 40-second breath-holding drill, 12-feet underwater rifle recovery, at rifle marksmanship.
Ang graduation rites para sa BCMT ay ginanap sa National Capital Region Regional Community Defense Group (NCRRCDG), Fort Bonifacio noong Hulyo a-nueve.
Pinangunahan ni PA Reserve Command chief Maj. Gen. Fernando Felipe, ang pagpi-pin ng ranggo sa mga bagong enlisted reserve privates na itatalaga sa iba’t-ibang reserve infantry battalions ng NCRRCDG.
Sa kaniyang talumpati ay sinabi ni Felipe sa mga nagtapos, na dapat tandaan ng mga ito na sila ay may mahalaga at malaking responsibilidad hindi lamang sa Reserve Force, kundi maging sa mga mamamayang Filipino, na ang Army ay may responsibilidad na tumulong sa panahon ng mga sakuna, pandemya, kalamidad at kahit sa giyera.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng mga reservist bilang expansion base para sa aktibong puwersa sa panahon ng national emergencies, rebelyon, o digmaan.
Pinuri rin ng RCPA commander ang mga reservist sa kanilang mahalagang papel sa pagsagip ng mga buhay sa panahon ng mga kalamidad tulad ng pananalasa ng mga bagyo o pagsabog ng bulkan.
Ang mga Army reservist ay nakipagtulungan sa regular troops at iba pang first responder at naglunsad ng napapanahong tulong at mga pagsisikap sa pagsagip na nagligtas ng mga buhay pagkatapos ng mga kalamidad, partikular pagkatapos ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020 at ang pananalasa ng Bagyong Odette noong nakaraang taon, at Tropical Storm Agaton noong Abril.
Nauna nang binigyang-diin ni PA chief Lt. Gen. Romeo S. Brawner, Jr., ang pangangailangan para sa puwersa na mag-recruit ng mga reservist na epektibong makadaragdag sa regular na puwersa.
Ang Army ay kasalukuyang may humigit-kumulang 790,000 naka-standby at nakahanda na mga reserba na gumaganap ng mahalagang papel sa matagumpay na pagpapatupad ng suporta sa pag-unlad at mga operasyong panseguridad ng Armed Forces of the Philippines, lalo na ang humanitarian assistance at disaster response efforts.