Motorsiklo nahulog sa hinukay na kalsada sa Parañaque City
Isang motorsiklo ang nahulog sa lagpas baywang na hukay sa Parañaque City, bandang alas-10:30 kaninang umaga.
Ayon sa 21-anyos na driver ng motorsiklo na si Rykiel Mendoza, papasok na sana siya sa trabaho at binabagtas ang
A. Bonifacio St., sa Barangay San Dionisio sa Parañaque City, nang bigla siyang mahulog sa malalim na hukay na nasa kaniya palang daraanan.
Aniya, wala kasing warning sign at puno rin ng tubig-baha ang kalsada kaya hindi niya alam na may malalim palang hukay doon.
Dahil sa pangyayari ay nakaranas ng pananakit ng balakang si Mendoza matapos mahulog, at kinailangan din niyang ipaayos ang nasirang motorsiklo na ginagamit niya sa paghahanapbuhay.
Kuwento ng mga residente sa lugar, dalawang linggo nang natigil ang pag-aayos sa drainage system sa kanilang lugar kaya’t naiwang nakatiwangwang ang mga hukay.
Dahil dito ay hinling ng mga residente, na sana ay asikasuhin agad ang problema ng kanilang drainage system at maging ang naturang hukay, dahil magdudulot din ito ng panganib sa kanilang pamilya.
Makaraan naman ang nangyari kay Mendoza, ay naglagay na ng warning sign sa naturang hukay ang mga kinauukulan.
Ulat ni Aldrin Puno