Panukalang pagtapyas sa mga Government Bureaucracy para makatipid bubuhayin sa Kongreso
Overdue na raw ang rekomendasyon ng Department of Budget and Management sa Pangulo na magsagawa ng rightsizing sa burukrasya para makatipid.
Ayon kay Senador Loren Legarda, matagal niya nang hiniling sa kongreso na tingnan ang isyung ito.
Katunayan naghain na siya ng panukala noong 17th Congress para sa rightsizing dahil maraming ahensya ang may pare pareho namang function.
Plano niyang muling ihain ito ngayong 19th Congress dahil bukod sa dagdag na gastos, nagiging ineffective at inefficient ang mga ahensya sa pamahalaan.
Pabor rin si Senador Sonny Angara sa hakbang pero hindi na aniya kailangang ibigay sa Pangulo ang kapangyarihan para dito dahil bahagi na ito ng mandato ng DBM.
Bukod sa paglikha ng pambansang budget kasama aniya sa trabaho ng DBM ang tagapangasiwa ng human resources ng gobyerno.
Sinabi ni Senador Koko Pimentel, dapat tiyakin ng gobyerno na mabibigyan ng sapat na kompensasyon ang mga empleadong mawawalan ng trabaho.
Kung ang mga ahensya rin aniya na planong buwagin ay nilikha sa pamamagitan ng batas, dapat ipaubaya sa Kongreso ang pagbuwag sa anunang government entity.
Bagamat mahaba at matagal na proseso, sinusuportahan rin ni Senador Francis Escudero ang hakbang.
Ayon sa Senador, noong naging Gobernador nagpatupad rin siya ng streamlining para makatipid at makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa publiko.
Meanne Corvera