Anim na DOLE agencies na humahawak sa concerns ng mga OFW, sinimulan nang lumipat sa Department of Migrant Workers
Hindi bababa sa anim na mga ahensiya ng labor department ang lilipat sa Department of Migrant Workers (DMW), na target maging fully operational sa 2023.
Sinabi ni Department of Labor (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, na nag-isyu na siya ng isang joint circular para sa maayos na paglilipat ng anim na mga ahensiyang naka-attach sa DOLE sa DMW, na pinamumunuan ni OFW rights advocate Susan Ople.
Ang nabanggit na ahensiya ay ang mga sumusunod:
-Philippine Overseas Employment Administration (POEA);
-Philippine Overseas Labor Offices (POLOs);
-International Labor Affairs Bureau (ILAB);
-National Reintegration Center for OFWs (NRCO);
-Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); at ang
– National Maritime Polytechnic (NMP)
Ang joint circular ay nilagdaan kapwa nina Laguesma at Ople.
Pahayag DOLE, na ang sirkular ay nagpapakita ng commitment ng gobyerno na i-promote ang synergy sa kalipunan ng mga ahensiya ng estado, na ang goal ay magkaloob ng mas magandang kinabukasan para sa mga manggagawang Filipino.
Sinabi ni Laguesma, na commited siyang madaliin ang transition para maging fully operational na ang DMW sa susunod na taon, ito’y bagama’t sa ilalim ng Republic Act 11641 — ang batas na lumikha sa DMW — ang transition ay gagawin sa maximum na dalawang taon.
Ayon sa hepe ng DOLE, ang dalawang taong transition ay napakatagal at salungat sa goal ni President Ferdinand Marcos, Jr., na mag-deliver ng mas mabilis na serbisyo sa Filipino migrant workers.
Paliwanag ni Laguesma . . . “Masyadong matagal ang dalawang taon. Why wait that long when we can complete the transition earlier for the benefit of our beloved OFWs? There’s nothing illegal in the transition. We are just ramping up efforts to make DMW operational as early as possible.”
Ang joint circular — ang kauna-unahang ginawa ng DOLE at DMW — ay isa lamang sa mga hakbang ng dalawang ahensiya para maisulong ang pagkumpleto sa establishment ng DMW.
Ayon pa sa DOLE . . . “While it’s true that the transition will relieve DOLE of OFW-related tasks, it will help the department focus on its job to handle local employment.”
Nangaro rin si Laguesma ng lubos na pagsuporta kay DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople, sa pagsasabing silang dalawa ay mayroon nang mahabang professional at personal relationship.
Aniya . . . “She has my full backing as she nurtures the development of DMW.”
Pinasalamatan naman ni Ople si Laguesma sa kaniyang suporta. Hanggang sa kaniyang appointment sa DMW, siya ang pinuno ng Blas F. Ople Policy Center at Training Institute, isang non-government agency na nangangalaga sa distressed Filipino workers na nasa ibang bansa.
Ayon kay Ople . . . “The DMW is the youngest child in the cabinet, we are very appreciative of all the help, guidance, and support Secretary Laguesma has been giving us. I am sure he will continue to help us, the DMW, until such time that we can stand on our own.’
Ang Department of Migrant Workers (DMW) ang bagong likhang ahensya ng estado na inatasang itaguyod ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha sa naturang kagawaran upang tugunan ang iba’t-ibang pangangailangan at concerns ng OFWs.
Nilagdaan niya para maging batas ang panukala, ang Department of Migrant Workers Act (Republic Act No. 11641), noong December 30, 2021 kasabay ng 125th death anniversary ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.