Covid-19 positivity rate sa 5 probinsiya sa bansa, tumaas pa; NCR nakapagtala naman ng 12.6%
Nakapagtala ng higit 20% ng Covid-19 positivity rate ang 5 probinsiya sa bansa.
Habang nasa higit sa 10% ang positivity rate naman sa National Capital Region at ilan pang rehiyon.
Sa tweet ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, lumalabas na sumampa sa 31.9% ang positivity rate sa Aklan nitong Hulyo 15 mula lamang sa 26.9% noong Hulyo 9.
Ilan pa sa mga probinsiyang lumampas na sa 20% benchmark ang positivity rate ay ang Tarlac (27.5%), Pampanga (23.5%), Nueva Ecijia (22.9%), at Laguna (22.55%).
Ayon kay David, ang mga nasa higit 20% na positivity rate ay pinapayuhang mag-ingat at sumunod sa ipinatutupad na public health protocols.
Samantala, ang positivity rate naman sa NCR ay sumampa pa sa 12.6% nitong Hulyo 15 mula sa 10.9% noong Hulyo 9.
Nasa higit rin na 10% positivity rate ang Antique, Bataan, Bulacan, Capiz, Cavite, Iloilo, Isabela, Pangasinan at Rizal.
Sa nakalipas na 2 linggo, sinabi ng Department of Health na nakapagtala ang NCR ng higit 9,000 bagong mga kaso ng Covid-19 na sinundan ng Calabarzon na may 5,057, Central Luzon-2,092, Western Visayas-2,055 at Central Visayas-863.