Pinakamataas na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco, pinapipigilan sa Korte Suprema
Umapela sa Korte Suprema ang grupong Bayan Muna na irekonsidera ang desisyon nito na nagpapatibay sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa taas-singil sa kuryente ng Meralco.
Ayon sa grupo, ito ang pinakamataas na power rate hike sa kasaysayan at hindi ito ordinaryong pass on charge sa consumers.
Sa mahigit 30-pahinang motion for reconsideration sa Supreme Court, hiniling ng grupo sa mga mahistrado na muling pag-aralan ang petisyon at ibasura ang ruling nito na pumapabor sa dagdag-singil.
Tinatayang P10 kada kilowatt hour ang madaragdag sa kasaluyang power rate na nasa kasalukuyang P9/kWh.
Una nang inihain ng Bayan Muna ang petisyon laban sa Meralco power rate increase noong 2013.
Nag-isyu naman ang SC noon ng TRO na pumigil sa loob ng halos isang dekada sa dagdag-singil sa kuryente.
Pero kamakailan sa botong 6-5 ay kinatigan ng Korte Suprema ang ERC ruling na sang-ayon sa Meralco hike.
Binigyang-diin ng grupo na hindi ang mga konsyumer ang may kasalanan sa pagtaas ng presyo sa kuryente kundi ang mismong nasa power sector.
Nanindigan ang petitioners na umabuso sa kapangyarihan ang ERC sa mabilisan nito na pag-apruba sa staggered power rate hike ng Meralco sa halip na magimbestiga muna.
Dahil dito, nabigo anila ang ERC na proteksyunan ang interes ng mga konsyumer na pumapasan sa kapalpakan ng mga generation companies.
Umaasa ang petitioners na didinggin ng SC ang apela nila dahil sa hindi kakayanin ng mahihirap na Pilipino ang karagdagang singil bunsod na rin ng krisis sa kabuhayan na pinalala pa ng pandemya.
Moira Encina