Mataas na turn out ng mga nagparehistro, naabot na ng COMELEC
Ilang araw pa bago matapos ang nagpapatuloy na voter registration, naabot na ng Commission on Elections ang mataas na turn out ng mga nagpaparehistro.
Ayon sa Comelec, hanggang noong Hulyo 18, may mahigit 1.7 milyon na ang nagparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Disyembre 5.
Kumpiyansa ang poll body na maabot nila ang target na 2.06 bagong botante sa pagtatapos ng voter registration sa Hulyo 23.
Sa kabila nito, ang Barangay at SK elections, nanganganib na namang hindi matuloy.
Sa Kapihan sa Manila Bay News Forum, sinabi ni Albay Congressman Joey Salceda, sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo, ang pagpapaliban sa nasabing halalan ang kasama sa kanilang aatupagin.
Nais aniya nilang pahabain ang termino ang mga opisyal ng barangay.
Sa Kamara may mga nagsusulong na gawin nalang ito sa Mayo, Oktubre o Disyembre ng 2023 na isagawa.
Ang Asian Network for Free Elections, nanawagan naman sa Kongreso na huwag ng ipagpaliban ang Brgy at SK elections.
Iginigiit nila na ilang beses na itong napostpone at ang mga kasalukuyang opisyal ay inabot na ng mahabang panahong nakaupo sa pwesto.
Bagamat dapat naman talaga umanong maging top priority ang pandemic response, pero hindi naman ito dapat sumagka sa karapatan ng mamamayan na maghalal ng mga opisyal para sa Barangay at Sangguniang Kabataan.
Ayon naman kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa ngayon ay tuloy parin ang kanilang preparasyon para sa halalan sa Disyembre.
Madelyn Villar- Moratillo