Independent minority block sa Senado, napipintong buuin
Posibleng bumuo ng bagong Independent Minority block sa Senado ang magkapatid na sina Senador Pia at Alan Peter Cayetano.
Ito’y kapag wala raw nabuong kasunduan sa kanilang nakatakdang meeting kay Incoming Senate president Juan Miguel Zubiri ngayong linggo.
Inamin ng magkapatid na wala pa silang desisyon kung sasama sa super majority o minorya sa Senado dahil mayroon pa silang dayalogo kay Zubiri.
Isa raw sa kanilang hinihingi sa susunod na liderato ng Senado, walang mangyaring railroading sa pagpapasa ng mga priority measures ng administrasyon.
Sa lunes sa pagbubukas ng 19th Congress, magbobotohan na ang mga Senador para magluklok ng Senate president at Minority leader.
Sina Zubiri at Pimentel ang magtatapat sa posisyon.
Sigurado na umano na makukuha ni Zubiri ang pwesto dahil sa suporta ng mayorya habang si Pimentel ang magiging lider ng minority block.
Sinabi ni Senador Alan,handa naman siyang umupo bilang minority leader kung ibibigay ito sa kanya nina Senador Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Pero wala raw siyang balak na tumakbo sa Senate presidency para tapatan sinuman kina Zubiri at Pimentel para makuha ang alinman sa kanilang pwesto.
Hindi rin aniya sila maghihiwalay ni Senador Pia para mapabilang sa mayorya o minorya sa Senado.
Meanne Corvera