Reward system para matukoy ang mga dapat alisin sa listahan ng 4P’s under study pa
Pinag-aaralan pa ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pagbibigay ng isang libong pisong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa hindi kuwalipikadong benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s.
Ito ang sagot ng DSWD sa pahayag ni dating DSWD Secretary Esperanza Cabral na ang alok na pabuya sa tipster para matukoy ang mga hindi na kuwalipikadong 4P’s beneficiaries ay tila nagbabalik ang makapili style noong panahon ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas at magdudulot lamang ito nang away ng mga magkakapit bahay.
Sinabi ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez na iginagalang nila ang opinyon ni dating Secretary Cabral subalit dapat respetuhin din ang layunin ng reward system na naglalayong malinis ang listahan ng 4P’s upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nasa waiting list na kuwalipikadong benepisaryo para sa ayuda ng gobyerno.
Ayon kay Lopez, maging ang 1.3 million out of 4.4 million na kandidatong maalis sa listahan ng 4P’s ay sumasailalim parin sa validation ng mga tauhan ng DSWD.
Inihayag ni Lopez na ang ginagawang paglilinis sa listahan ng mga benepisaryo ng 4Ps ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Vic Somintac