Ilang lugar sa Quezon City at bahagi ng edsa isasara pansamantala ngayong weekend
Abiso sa mga motorista na dadaan sa EDSA at ilang lugar sa Quezon City ngayong weekend, asahan ang pagsikip sa daloy ng trapiko, dahil itutuloy na ulit ng Department of Public Works and Highways ang kanilang weekly road reblocking.
Ayon sa DPWH, ang road reblocking ay magsisimula mamayang 11 ng gabi.
Kabilang sa apektadong lugar ay ang bahagi ng EDSA Northbound: sa may Santolan MRT Station, bus lane; pagkatapos ng P. Tuazon flyover hanggang Aurora Tunnel, 3rd lane mula sa center island o iyong fast lane; pagkatapos ng Aurora Boulevard hanggang New York Street, 3rd lane mula sa center island; at pagkatapos ng Kamuning Road at Kamias Road hanggang sa may JAC Liner Bus Station sa tabi ng center island sa Quezon City.
Sa EDSA Southbound naman, sarado rin pansamantala dahil sa road repair ang mula sa Balingasa Creek hanggang Oliveros Footbridge sa Quezon City.
Ang iba pang kalsada sa Quezon City na sasailalim din sa repair works ay sa: Fairview Avenue Southbound, malapit sa Mindanao Avenue Extension, 1st lane mula center island; bahagi ng Cloverleaf papuntang NLEX Northbound; at bahagi ng Cloverleaf na papuntang NLEX Southbound.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na maghanap muna ng alternatibong ruta.
Ang mga nasabing kalsada, bubuksan ulit sa Lunes, Hulyo 25 sa ganap na 5 ng umaga.
Madelyn Villar-Moratillo