Ilang lugar sa bansa, nakapagtala ng pinakamataas na Covid-19 positivity rate sa nakalipas na linggo – OCTA
Ilang lugar sa bansa ang nakapagtala ng higit 20% o may pinakamataas na Covid-19 positivity rate sa nakalipas na linggo.
Sa twitter post ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, sinabi nitong 10 lugar ang nakapagtala ng very high positivity rates habang ang National Capital Region (NCR) naman ay umakyat pa sa 14% ang bilang ng mga nagpopositibo mula sa mga sumasailalim sa testing.
Kabilang sa mga lugar na itinuring na may very high positivity rates ay ang Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Aklan, Antique, Capiz, at Isabela na nasa higit 20% nitong July 22 kumpara sa datos noong July 16.
Nangunguna sa listahan ang Aklan na nasa 32.6% ang positivity rate nitong July 22 pero bahagya namang bumaba mula sa 35% noong July 16.
Sumunod ang Capiz na may 31.9%; Nueva Ecija-30.5%; Isabela-27.8%; Pampanga-26.1%; Laguna-26%, Cavite-24.5%, Tarlac-24%; Rizal-22.8% at Antique-22.2%.
Samantala, ang NCR ay nakapagtala ng 14% weekly positivity rate nitong July 22 mula sa 12.7% noong July 16 habang nasa 16% naman ang daily positivity rate.