Unity sa 19th Congress, ipinangako ni bagong House Speaker Martin Romualdez
Walang pipiliin ang bagong liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaalyado o oposisyon.
Ito ang ipinangako ni bagong House Speaker Martin Romualdez sa kanyang acceptance speech sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Romualdez, gaya nang itinataguyod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkakaisa ito rin ang tatahakin ng 19th congress sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Inihayag ni Romualdez sa pamamagitan ng pagkakaisa ay makakabangon ang bansa mula sa pandemya ng COVID 19 at epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinabi ni Romualdez dahil sa mayorya ng mga kasama niyang kongresista ay sumuporta sa kanya para mahalal na Speaker madaling mapagtitibay ang mga priority legislative measures ni Pangulong Marcos Jr. na may kaugnayan sa economic recovery ng bansa.
Si Romualdez ay nahalal na Ika-24 na Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos makakuha ng 282 na boto.
Nahalal din na bagong Majority Floor Leader si Zamboanga City Congressman Manix Dalipe at Senior Deputy Speaker si dating Pangulo at Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Itinalaga din bilang bagong Secretary General ng 19th Congress si Reginald Velasco at Sergeant at Arms si Retired Police Major General Napoleon Taas.
Vic Somintac