Unang SONA ni PBBM, umani ng papuri mula sa ilang mga Senador
Umani ng papuri si Pangulong Bongbong Marcos Jr., dahil sa kaniyang mga detalyadong plano para sa mga Pilipino.
Ayon kay Senador Sonny Angara malinaw na nailatag ni Pangulong Bongbong Marcos ang kaniyang plano para sa bansa.
Ipinakita rin ng Pangulo sa kaniyang State of the Nation Address ang pagiging agresibo at diretsahang plano lalo na para sa sektor ng agrikultura, edukasyon at kalusugan.
Masaya naman si Senador Grace Poe sa pahayag ng Pangulo na itutuloy at palalawakin ang feeding program para sa mga bata.
Si Poe ang nagsulong para maisabatas ang Feeding program sa ilalim ng Republic Act 11037 o ang batas para sa masustansyang pagkain para sa batang Pilipino.
Inamin ni Poe na kasama siya sa mga tumayo at pumalakpak nang sabihin naman ng Pangulo na hindi isusuko ang teritoryo at soberenya ng bansa.
Mataas na grado rin ang ibinigay ni Senador Jinggoy Estrada sa Pangulo dahil natalakay nito ang lahat ng isyung malapit sa sikmura at kapakanan ng mga mahihirap na pamilya.
Ipinakita rin aniya ng Pangulo na wala siyang planong maghiganti sa sinumang nakalaban niya sa pulitika.
Masaya si Estrada sa desisyon ng Pangulo na ituloy ang mga programa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga imprastraktura.
Meanne Corvera