DFA pinanatili ang Alert Level 4 sa Myanmar
Mananatili sa Alert Level 4 ang Myanmar.
Ito ang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng mga kahilingan na ibaba ang alert level sa nasabing bansa.
Simula Mayo 6, 2021 ay nakataas sa Alert Level 4 ang Myanmar dahil sa patuloy na paglala ng karahasan at armadong pakikibaka doon.
Sa ilalim ng nabanggit na alert level ay nagpapatupad ng mandatory evacuation ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pinoy.
Sinabi ng DFA na batid nito ang nais ng mga OFWs na makabalik sa Myanmar sa kabila ng mga panganib doon dulot ng krisis.
Pero ipinunto ng DFA na ang kaligtasan at seguridad ng bawat OFWs ang pangunahing prayoridad ng gobyerno ng Pilipinas.
Umaabot na sa 701 ang ni-repatriate na Pinoy ng gobyerno ng Pilipinas mula sa Myanmar simula Pebrero 2021.
Pinapayuhan ng DFA ang mga natitirang Pilipino doon na umiwas sa mga pampublikong lugar at maghanda sa paglikas.
Tiniyak ng DFA na patuloy ang assessment nila sa sitwasyon sa Myanmar at sa alert level, at sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nalalabing Pinoy community.
Moira Encina