PBBM pinulong ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno ukol sa ICC drug war case
Kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra na nakipag-pulong siya at ang ilang opisyal ng pamahalaan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa drug war case sa International Criminal Court.
Sinabi ni Guevarra na tinalakay sa pagpupulong ang posisyon ng pamahalaan ukol sa imbestigasyon ng ICC sa isyu sa giyera kontra droga ng nagdaang pamahalaan.
Bukod sa pangulo at kay Guevarra, dumalo sa pulong sina Executive Secretary Vic Rodriguez, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Justice Secretary Crispin Remulla, at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Tumanggi si Guevarra na sabihin kung mayroon nang pinal na tugon ang Marcos Administration sa hiling ng ICC na imbestigahan ang drug war.
Ipinauubaya ng SolGen kay PBBM ang pagbibigay ng pahayag sa isyu.
Muli namang inihayag ng Department of Foreign Affairs na hindi na miyembro ang Pilipinas ng Rome Statute ng International Criminal Court.
Matatandaang kumalas noong 2019 ang Pilipinas sa ICC Rome Statute.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DFA sa mga lead agencies sa ICC case na DOJ at OSG ukol sa hakbang ng gobyerno sa usapin.
Sinabi pa ng DFA na ang ICC ay gumagana o pumapasok kapag hindi kaya o tumanggi ang mga hukuman sa bansa na gawin ang tungkulin na lumitis at magsakdal.
Moira Encina